Ready na ba akong umuwi sa Pinas?

Ready na ba akong umuwi sa Pinas?


Para sa akin, yan ang tanong na dapat nating i-consider palagi habang tayo ay nangangamuhan rito sa ibang bansa, dahil hindi naman tayo 100% sure na ang malaking kita na nakukuha natin rito ay makukuha pa rin natin pag-balik sa Pinas.

May kasaganahan tayong mga OFWs kaso, dumarating rin ang mga delubyo tulad nang biglaang may tanggalan sa kumpanya o kaya’y biglang hindi na-renew ang working permit natin. Nakakatakot di ba? Pero totoong nangyayari ang mga ito.

Mas lalong mamimiligro yung hindi pa Permanent Resident sa bansang pinagtratrabahuan nila, at sa visa na lang umaasa. At minsan, kahit nga yung permanent staff na eh nawawalan pa rin ng trabaho.

Isang malaking risk rin kung bibili agad tayo ng malaking bahay, mamahaling condo, magarang kotse at iba pa na may milyones ang halaga. Oo, kaya naman ng sahod natin (sa ngayon) na ma-afford ang mga ito at hindi naman masamang mag hangad ng luxury sa buhay, kaso lang eh, paano kung nawalan tayo bigla ng trabaho? Saan natin kukunin ang pambayad?

Kaya sa ganang akin eh dapat, bago tayo bumili ng kahit anuman ay dapat, meron na tayong sapat na Emergency Fund (para sa mga medical/financial emergencies) at Long-Term Savings (pang-kasal, pang-down sa bahay, fund pag-nawalan ng trabaho, pang-invest etc…) para kung anuma’t anoman ang mangyari, eh makaka-survive pa rin tayo at makaka-recover nang mas mabilis.

Magkano nga ba dapat ang Emergency Fund at Long-Term Savings?

Depende iyan sa maraming factors tulad kung magkano iyong average monthly living expenses, payables/bills/loans na binabayaran, kung ika’y single/pamilyado at iba pa. Saka depende rin ito sa iyong income. Basta ang mahalaga, may naka-prepare tayo na funds (kahit anoman ang itawag natin dito) in case na mapauwi tayo sa Pinas ng wala sa oras.

Ang iba na nagsisimula palang ay maaring mag-target nang P 30,000 para sa Emergency Fund at Long Term savings na P 100,000. Nung nasa Pinas pa ako eh malaking halaga pa iyan dahil maliit lang ang kita namin noon kaya mahirap at matagal umabot sa ganyang halaga. Pero muli, guide lang naman ang halaga na nabanggit ko dahil maramin ngang factors na dapat i-consider.

Ngayon, kung tatanungin natin ang ating mga sarili kung ready na ba talaga tayong umuwi sa Pinas… ano ang ating sagot?

Sapat na ba ang naipon natin rito para guminhawa ang buhay natin sa Pinas? Napunta ba sa mga importanteng bagay ang perang pinadala natin sa ating mga pamilya? May mga naiwanang utang/credit card bills/loans/tax ba tayo rito na hindi pa nababayaran?

Siguro, hindi naman tayo makakaranas ng delubyo. Pero iba pa rin ang naka-handa, kaysa sa i-asa lahat kay Bathala

… ngunit wala naman tayong ginagawa.

Anong say mo?

%d bloggers like this: